Tuesday, May 4, 2021

Nang magdilim ang telebisyon ng mga Kapamilya

Abner P. Mercado


This piece is part of a series to mark the first anniversary of the shutdown of ABS-CBN’s broadcast on free TV and radio which happened May 5, 2020.


Abner Mercado told stories for ABS-CBN News for nearly 2 decades, with the documentary as his weapon of choice.


Whether it was about the ascent of Filipinos to Mount Everest, the journey of a batch of stolen bells from the United States back to the Philippines, or the lifelong fight of an environmentalist and philanthropist, Abner’s long-form stories helped shape ABS-CBN’s version of the format.


In August 2020, he was one of hundreds let go from the news division when ABS-CBN downsized following the rejection of its franchise renewal.


Abner continues to teach journalism as a senior lecturer at the University of the Philippines (UP), which he has been doing since he was still with the network.


Umaga ng ika-5 ng Mayo noong nakaraang taon, sa UP Diliman ako nagpunta kasama ng aking news crew para mangalap ng balita at bumuo ng kuwento para sa araw na ito. Kuwento ito ng pagtatanim ng simbolo ng pag-asa para sa mga magsisipagtapos na mag-aaral ng unibersidad ng bayan.


Kapanayam ko si Christopher James Buño ng UP Diliman Campus Maintenance Office ng tanggapan ng Vice Chancellor for Community Affairs. Abala si Buño at ang kaniyang mga tauhan nang araw na iyon sa pagtatanim ng mga buto ng sunflower sa kahabaan ng University Avenue hanggang sa panulukan ng Quezon Hall.


SIMBOLO NG PAMUMUKADKAD NG MGA MIRASOL


Taunang tradisyon ito ng UP Diliman kung saan inaasahang mamumukadkad ang mga bulaklak ng sunflower o kilala din sa tawag na mirasol sa araw ng University Commencement Exercises sa huling linggo ng Hunyo. 


Bagama't inaasahan nang walang pisikal na magaganap na seremonya ng pagtatapos ang mga mag aaral dahil sa pandemya ng COVID-19, hindi naman nito mapipigilan ang kinaugalian na ng UP Diliman. 


May kakabit na kahulugan kasi ang mga bulaklak ng mirasol para sa mga mag-aaral na magsisipagtapos.


“Ever since naman, ang sunflower ay naging simbolismo ng pag-asa para sa mga gradweyt natin.” paliwanag ni Buño. 


“Ngayong panahon na mayroon tayong hinaharap na krisis, mananatili ‘yong simbolismo ng pag-asa hindi lang para sa mga graduates natin, kundi para sa lahat—magkaroon sila ng inspirasyon ‘pag nakita nila pagbukadkad ng mga sunflowers natin dito sa campus.”


Kinumpleto namin ng aking crew ang mga kuha para sa mga kailangang video, mula sa pagbubungkal ng lupa at pagbaon ng mga buto ng sunflower sa lupa, hanggang sa pagdidilig sa mga nauna nang naitanim isang linggo bago ako makipag-ugnayan kay Buño para sa kuwentong ito.


Pero sa araw na ito, maugong na ang napipintong shutdown ng Kapamilya Network. Naglabas ng kautusan noon ang National Telecommunications Commission na ihinto na ng ABS-CBN ang pagsasahimpapawid ng mga programa nito dahil sa pagtatapos ng prangkisa nito sa nakaraang 25 taon. 


HULING NEWSCAST SA FREE TV BAGO ANG SHUTDOWN


Binuo ko ang kuwento ng mga sunflower, isinulat at hindi nagpaapekto sa banta ng utos dahil mamamahayag kaming ang tungkulin ay maghatid ng kuwento. 


At lumanding naman sa line up ng TV Patrol ang kuwento, pero nasa baba ito ng mga balita ng shutdown.


Nang dumidilim na, nababasa ko na sa mga group chat na nagtatawag na nang pagtitipon ang mga kasamahan kong Kapamilyang dyorno sa newsroom para sa inaasahan nang shutdown at pamamaalam sa mismong flagship news program nito na TV Patrol.


Dinesisyunan kong hindi magpunta dahil alam kong magiging mabigat sa puso ko ang pamamaalam na ito sa ere ng istasyon ng telebisyon na pinaglingkuran ko at minahal nang mahigit dalawang dekada at patuloy pa ring minamahal. 


Sa halip, nagtungo ako sa kaharap na gusali ng ABS-CBN sa kanto ng Sgt. Esguerra at Panay Avenue, umakyat at nakatanaw dito mula sa tuktok.


Tahimik akong mistulang kinakausap ang gusali ng Eugenio Lopez Jr. sa malayo habang pinaglalaro sa tanaw ng aking mga mata ang humihilamos ditong mga ilaw na pula, luntian at asul na kulay ng Kapamilya network na may nakadisenyong puso sa gitna.


Sa mga sandaling iyon, parang may nakadagang kung anong mabigat sa aking dibdib. Matindi na ang lungkot na nararamdaman ko. 


“Marami ka nang dinaanan, mahaba na ang papel mo sa kasaysayan ng telebisyon sa bansa kakayanin mo pa rin ito,” sabi ko sa isip at puso ko na parang ibinabato kong pakikipagkuwentuhan sa gusali.


“Dumaan ka na sa ganito noon Kapamilya tayo sa harap ng hamon na ito ngayon.”


Hindi ko mismo napanood sa telebisyon ang pamamaalam ng mga anchor ng TV Patrol at ang pasasalamat ng presidente ng ABS-CBN para sa lahat ng sumuporta at nagmamahal na manonood bilang mga Kapamilya. Binalikan ko na lang sa internet ang mga ito ilang araw makalipas. 


Hindi na rin umabot ang kuwento ng mga sunflower sa pagpapalabas dito dahil tinamaan na ng shut down.


MGA MENSAHE NG PAGMAMAHAL MULA SA MGA KAPAMILYA


Naramdaman ko na lang ang latay ng pamamaalam nang mga oras na ‘yon habang tinatanaw pa ang gusali ng ABS-CBN ELJ dahil sunod-sunod na ang pasok ng mga text messages sa akin. 


“Nakakalungkot, napanood namin ang shutdown, signing off ng ABS-CBN sa TV Patrol kanina. Stay strong, isang mahigpit na yakap Kapamilya, dito lang kami,” mensahe ng isang kaibigan na sa mahabang panahon pinagsaluhan namin ang pagiging masugid niyang tagasubaybay ng mga palabas ng Kapamilya network.


“Salamat ng marami Kapamilya,” tugon ko sa text.


“Kapit lang Kapamilya,” muling pagbibigay lakas at suporta nito.


Maraming ganitong mensahe ang aking tinanggap sa text, lahat tubog sa pagmamahal at pakikisimpatya. 


May hatid ding bigat sa puso ang makatanggap ng mensahe sa text sa mismong mga kapamilya at kasama sa bahay.


“Kuya napanood namin ng Mame kanina sa TV Patrol ang shut down ng ABS. Kaya ninyo ‘yan at ingat palagi” text message ng isang pinsan ko sa bahay na kasamang tumunghay sa aking mahal na ina na nanood ng pagbaba ng telon ng ABS-CBN.


Libangan ng aking mahal na ina sa kaniyang pagtanda ay manood ng mga palabas ng Kapamilya network, pero ngayon ay binalot na ng dilim ang pihitan ng Kapamilya channel sa free TV, na doble dagok pa dahil nangyari sa panahon ng pandemya.


Hindi madaling balikan ang kuwento ng araw na ito. Para akong nagbubukas muli ng sugat sa nakaraan na hindi naman talaga tuluyan pang naghihilom araw-araw, gabi-gabi pa rin sa nakaraang isang taon na parang paulit-ulit na minumulto kami ng masamang panaginip. 


PILIIN NATIN ANG PAG-ASA, IPUNLA NATIN ANG MABUTI


Kinabukasan, maaga akong pumasok sa gusali ng ABS-CBN ika-6 ng Mayo at nagtungo sa Studio 7 kung saan kinukunan ang newscast ng TV Patrol sa araw-araw, at dito namaalam ang mga news anchor nito nang nagdaang gabi. 


Isang araw matapos ang shut down ng Kapamilya network, ako lang muli at ang walang-taong Kapamilya Studio 7. 


Isang taon ang nakalipas, nandoon pa rin ang matinding sakit, mahirap pa ring kalimutan. 


Hindi man na namin mababago ang nangyari lalo't mula rito ay may mga sumunod pang pagsubok na kinaharap, pero puwede pa naming baguhin ang damdamin kung paano namin ito gustong maalala at umusad.


Sa isang taon na nakalipas, nangungulila man ang mga masugid na tagasubaybay sa telebisyon ng mga Kapamilya sa free TV, maaari pa rin kaming magpunla ng pag-asam.


Saan ba kami huhugot ng lakas at tibay kundi unang-una sa Diyos at sa mga nagmamahal na kaibigan at sa mga sumusuportang Kapamilya?


Sa gitna man ng mga matitinding pagsubok, kakabit pa sa panahon ng hamon ng pandemya, nandoon pa rin naman ang mga naiiwan pang hinanakit at pait sa puso pero handang umusad. 


Panahon na ang magtatadhana kung sino ang nasa tamang pahina ng kasaysayan. Dahil sa harap ng lahat ng ito, mas pipillin ko na lang ang magpunla ng mabuti, magtanim at umani ng pag asa.


Kung ihahalintulad sa mga sunflower na taunang itinatanim sa UP Diliman sa bawat pagtatapos ng mga mag aaral, maaaring umusbong at mamukadkad muli ang ‘pag-asa tungo sa pagbabalik ng mga palabas ng ABS CBN sa telebisyon sa hinaharap.


Pansamantala lamang ang lahat nang idinulot na sakit ng mga pangyayari. Tuluyan pa ring paghihilumin ng panahon ang mga nilikhang sugat ng mga naganap at patuloy na maglilingkod ang Kapamilya sa bawat Pilipino. Muli itong babalik sa free TV sa takdang panahon.


Sa ngayon, patuloy pa rin itong nagsisilbi at naghahatid ng mga panoorin sa ibang mga plataporma, mula sa paghahatid ng balita at mga entertainment shows nito, gaya sa tunay na kahulugan ng “In The Service of the Filipino”.


https://news.abs-cbn.com/spotlight/05/04/21/abs-shutdown-nang-magdilim-ang-telebisyon-ng-mga-kapamilya

No comments:

Post a Comment

Kada Umaga | December 12, 2024