Wednesday, May 5, 2021

Isang taon na: Mga nagbabalita, manonood inalala ang ABS-CBN shutdown

Isang taon na magmula noong magpaalam sa ere ang free TV and radio channels ng ABS-CBN kasunod ng inilabas na cease and desist order ng National Telecommunications Commission matapos mapaso ng prangkisa ng network.


Sariwa pa rin sa alala ang mabibigat na emosyon na naramdaman ng mga host ng programang “Sakto” na sina Jeff Canoy, Johnson Manabat, at Amy Perez-Castillo nang araw na iyon. 


Masaya umanong sinimulan ni Canoy ang araw na iyon dahil ika-2 araw noon ng pagbabalik-ere ng flagship morning show na "Umagang Kay Ganda." 


Pero nabago ang emosyon ng lahat ng iyon nang ibalitang naglabas ng cease and desist order ang NTC— na nag-uutos sa network na itigil ang kanilang mga TV at radio operation habang wala pa itong karampatang prangkisa. 


Kabi-kabilang mensahe naman ang natanggap ni Manabat nang maibalita na ng NTC ang utos. 


“Andiyan 'yung pasok ng mga text sa viber mula sa Kapamilya, kaibigan mo na: “totoo ba” 'yung titigil since naglabas ng order ng NTC, hindi mo masabing hindi totoo eh na titigil muna pansamantala sa himpapawid,” ani Manabat. 


Idinetalye noon ni Canoy ang mga pangyayari sa ABS-CBN Newsroom nang planuhin kung paano ibabalita na titigil na sa pag-ere ang ABS-CBN sa free TV. 


Matatandaang umere saglit ang TV Patrol, kung saan ibinaba ng mga anchor maging ng ilang executives ang ilang mensahe. Matapos nito, may umereng “sign off” video na nagpapaalam sa mga TV viewer ng ABS-CBN. 


“Noong nasa newsroom na kami bandang hapon doon na bumaba ang utos ng NTC. Tapos nagkagulo-gulo na bumaba na sina Sir Carlo Katigbak, Mark Lopez at ilan pang executives para planuhin kung paano magpaalam ang ABS-CBN sa ere,” ani Canoy. 


Sa TV Patrol idinaan ang pagpapaalam ng ABS-CBN. Mismong si ABS-CBN Integrated News and Current Affairs chief na si Ging Reyes ang nagsulat ng huling sasabihin ng TV Patrol anchor na si Noli De Castro, sa kabila ng mabibigat na emosyong nararamdan sa newsroom noong gabing iyon. 


Napakasakit para kay Canoy noon na makita ang mga kasamahan na umiiyak, pero hindi man lang mayakap ang mga ito dahil sa health protocols sa gitna ng pandemya. 


“Yung gabing iyon napakasakit. Parang doble dagok kasi bukod sa shutdown, ‘yung kasama mo, Kapamilya mo sa trabaho nakikita mong umiiyak hindi mo man lang mahawakan, hindi mayakap dahil sa pandemya kaya mahirap ang sitwasyon,” ani Canoy, na inilarawan bilang “isa sa pinakamalaking dagok sa journalism sa ating kasaysayan” ang ABS-CBN shutdown. 


Nasa bahay noon si Perez-Castillo nang i-ere ang huling broadcast ng TV Patrol. 


“[Hindi ako makaiyak]. Pero nung gabing iyon iba 'yung naging impact, hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa mga bata kung makakapagtrabaho ako so siyempre as a mother and as a parent ayaw ko ipakita sa mga anak ko [‘yung ganoon],” ani Perez-Castillo. 


Matapos maghapunan ay doon na umiyak si Perez-Castillo sa isang kwarto ng kaniyang bahay, nang maramdamang kinakausap siya ng Panginoon. 


“Habang umiiyak ako, parang paulit-ulit sa’king sinasabi ni Lord na ‘Amy wag kang umiyak.’ sabi niya. Kailan ba kitang pinabayaan? So malinaw na malinaw na alam kong may perfect plan si Lord para sa ating lahat,” ani Castillo. 


May isinulat din aniya siyang panalangin matapos iyon. 


“Dear Lord, thank you for this day even though it turned out to be a very sad day for all of us who work in ABS-CBN. I just put my faith in You oh Lord, I will continue to rejoice in You every day. I know that You are in control and many, many times You have never failed me, and in fact, ako pa nga ‘yong maraming pagkukulang. I pray for all the employees of ABS-CBN. Lord please comfort them, keep them safe and provide for all our needs,” emosyonal na pagbasa ni Perez-Castillo. 


‘DI MAGAMIT ANG TV’ 


Sariwa rin para sa ilang “Solid Kapamilya” ang tigil-ere ng ABS-CBN. 


Aminado ang manonood na si Redilla Dingding na taga Cebu na mahirap para sa kanila ang tigil-ere ng ABS-CBN. 


“Yung TV di magamit, mahirap paano makapanood ng TV nang walang cable, nasanayan na namin po,” ani Dingding. 


Ngayon, sa Facebook na lang muna sila nanonood. Pero para kay Dingding, malaking tulong na maabot sa telebisyon ang balita at mga palabas na ineere ng ABS-CBN. 


“Kung ano ang nangyari sa atin and sa whole world andoon eh. Mayroon naman kaming Kapamilya sa labas. 'Yung sa TFC po 'yon kahit mahirap po makakita noon ng maibigay po ng serbisyo kahit antenna lang ang gamitin ok na po makita po kayo,” ani Dingding. 


Para naman sa guro na si Michelle Cercado na taga-Quezon, malaking tulong para sa kaniyang mga estudyante ang mga palabas sa ABS-CBN para mahubog ang kanilang mga talento. 


“As a teacher, parang mga estudyante namin nakatutok. ‘Yung mga talent doon nila kinukuha,” ani Cercado. 


Ayon kay Cercado, naging mabigat para sa kanila ang tigil-ere ng ABS-CBN. Hangad niya noon na sana masamang panaginip lang ang kanilang nararanasan. 


“Naiyak ako. 'Yung nagpapaalam na po sila. Sila Kabayan, tapos biglang mag-ano na national anthem. Sabi ko “bakit” ganoon 'yung after ng TV Patrol kailangan 12 midnight [wala na] kasi, 'yun ang sabi sa mga post. So talagang inabangan ko ang day na iyon parang habang andun 'yung hope ko na hindi pa rin siya mawawala,” ani Cercado. 


Sa kabila ng pagsubok, tiwala si Cercado na babalik pa rin sa free television ang ABS-CBN. 


“Malaki ang paniniwala ko and marami ang nagdadasal. Sana soon, soonest. Kumbaga para ma-normalize na ang panonood namin ng TV,” ani Cercado. 


https://news.abs-cbn.com/news/05/05/21/isang-taon-na-mga-nagbabalita-manonood-inalala-ang-abs-cbn-shutdown

No comments:

Post a Comment

Magandang ARAw | January 11, 2025