Wednesday, May 5, 2021

Epekto ng ABS-CBN shutdown, dama pa rin ng mga dating regional reporters

Nabalot ng agam-agam ang mga nagtatrabaho sa mga regional station ng ABS-CBN noong 2020 nang i-anunsiyong pinatitigil na ng National Telecommunications Commission ang pag-broadcast ng istasyon dahil napaso na ang prangkisa nito.


Kuwento ng noo’y reporter ng ABS-CBN - Legazpi na si Thea Omelan, natakot siyang matulog dahil sa mga mangyayaring pagbabago sa kanilang buhay. 


Pinilit ng 12 regional TV Patrol na ipagpatuloy ang pagbabalita online. 


Pero nagwakas din ito pagkalipas ng tatlong buwan, nang isara ng ABS-CBN Regional Network Group ang kanilang mga operasyon. 


Isa ang ABS-CBN Bacolod sa mga unang itinayong himpilan sa labas ng Metro Manila noong 1989. 


Masakit para sa dating news chief na si Romeo Subaldo na makitang unti-unting kinakalas ang mga bakal sa tore sa himpilang naging ikalawang tirahan niya. 


"Akala ko kasi, personally, naka-move on na ako. Pag nakita ko yung na-dismantle na transmitter, ang sakit-sakit pa rin," ani Subaldo. 


Isa sa mga nagbaklas ng transmitter ay dati ring empleyado ng ABS-CBN Bacolod na kinuha ng isang kontratista para sa proyekto. 


"Masakit kasi yung trabaho mo dati, ang rooms na dati mong pinapasukan, tulad ng newsroom, sa editing, parang ikaw na lang makikita mong dito ma-remember ang tawanan doon, ang meeting sa newsroom, ang mag-newscon before mag-field," pahayag ng dating cameraman na si Jeff Lucasan. 


Sa kabuuan, higit 500 empleyado sa mga regional station ang nawala. 


Siyam na buwan ding walang trabaho ang audio man at technical staff ng ABS-CBN Davao na si Lando Albo, na higit 20 taong nagtrabaho sa kompanya. 


Ngayon, suma-sideline muna siya sa pagkukumpuni ng mga appliance. 


"Wala, kasi mahirap maghanap ng trabaho agad, kasi sa panahon ngayon sa pandemic," ani Albo. 


Minsan, dumaraan pa siya sa dating himpilan na sabik sa dating trabaho. 


"Masakit sa kalooban ko na nawala. May pag-asa pa rin na babalik," ani Albo. 


Pero mas malaking kawalan ito para sa mga manonood. 


Hindi pinapaandar ni Patricia Brace na taga-Davao ang kanyang telebisyon, buhat nang mawala ang ABS-CBN sa ere. Nasanay siyang ABS-CBN ang naghahatid ng balita at entertainment sa kanya.


Nami-miss din ni Romeo Judilla ng Palawan ang mga programa ng ABS-CBN. 


Hirap silang manood online, lalo’t kadalasa’y mahina ang signal. 


"Medyo mahirap din, kahit sa cellphone dahil kailangan mong magpa-download lalo na madalas ang brownout," ani Judilla. 


Pero may ilang bumuo ng sariling news organization o patuloy pa rin sa paghahatid ng balita. 


Binuo ng mga dating cluster head ng ABS-CBN News North at South Luzon ang kanilang mga organisasyong naglilingkod pa rin para sa kanilang mga nasasakupan. 


Halimbawa rito ang RNG - Luzon sa Hilagang Luzon, at Bicol.PH sa Bicol na laman ang mga balitang naiintindihan ng kanilang mga nasasakupan. Itinayo naman ng mga dating reporter ng Palawan ang Alpha News Philippines, at itinayo rin ang Aksyon Ko Online TV sa Bicol. 


"Dahil sa aral, sa mga values na dala ng ABS-CBN, nagpapasalamat kami na may kumuha sa amin na maghatid ng balita sa mga Bicolano," ani Carretero. 


"Nanibago sa simula, pero nakapag-adjust. May panibagong oportunidad na ibinigay para makapag-serbisyo," ayon sa dating ABS-CBN reporter na si Rex Ruta, na ngayo’y anchor na ng Alpha News sa Palawan. 


Nawala man sila sa dating tahanan, patuloy pa ring nagiging tulay at boses ng kanilang nasasakupan, bitbit ang mga natutunan bilang Kapamilya. 


Ang news.abs-cbn.com ay ang opisyal na news website ng ABS-CBN Corp.


— Ulat ni Israel Malasa, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/05/05/21/epekto-ng-abs-cbn-shutdown-dama-pa-rin-ng-mga-dating-regional-reporters

No comments:

Post a Comment

Magandang ARAw | January 11, 2025