Sariwa pa rin sa alaala ng dating news chief ng ABS-CBN Bacolod ang pagpapatigil sa broadcast operations ng network ngayong araw noong nakaraang taon.
Ayon kay Romeo Subaldo, higit 80 kawani, kabilang ang mga reporter hanggang cameraman, ng ABS-CBN Bacolod ang apektado ng pagsara ng kanilang istasyon.
“Nagpe-prepare kami para as local TV Patrol newscast during that time. Tapos, nabasa ko online yung article na lumabas na utos ng NTC (National Telecommunications Commission), yung cease and desist order," kuwento ni Subaldo sa panayam sa TeleRadyo ngayong Miyerkoles.
"Una kong ginawa, kinausap ko lahat ng mga tao namin, from reporters to cameramen, na ito na nga, may lumabas na order,” dagdag niya.
Eksakto isang taon na ang nakalipas nang ipasara ng NTC ang operasyon ng ABS-CBN free TV at radyo. Ito ay naganap isang araw matapos mapaso ang prangkisa ng network habang naiwang nakabinbin ang application for renewal nito sa Kongreso.
“Wrong timing lang, kasi papasok na newscast. So pagpasok sa studio, low energy," pag-alala ni Subaldo.
"Yung tanong ng lahat, paano na? Anong mangyayari sa amin? Kahit ganun yung nangyari, tuloy pa rin yung newscast namin. On that day, May 5 na newscast, maraming palpak kasi nagbigay ako ng bad news bago nagsimula,” sabi niya.
Demoralized umano ang lahat noong araw na iyon. Maging siya ay lutang din habang naghihintay sila ng tawag kung ano na ang susunod na gagawin.
“Tumawag si Station Manager. Sabi, mag-impake kayo lahat ng mga gamit sa studio, sa editing room, dalhin palabas ng station. Ang instruction, dalhin ko sa bahay ko lahat ng gamit. Pati na yung lahat ng mga vehicle ng ABS-CBN Bacolod, dito na muna sa vacant lot ko naka-park," aniya.
"Hindi ka rin makatulog. 'Yun pa rin tanong sa isip namin - anong mangyayari bukas?”
Isa ang ABS-CBN Bacolod sa 53 regional network group na nagbo-broadcast sa iba’t ibang lengguwahe ng bansa.
“Two weeks ago, nakita ko po, kasi may dinaanan lang ako malapit sa broadcast complex ng ABS-CBN Bacolod, may mga taong nakaakyat na sa transmiter. May nakapagsabi na dini-dismantle na daw. Tapos kahapon, isang kasamahan namin dumaan din doon, nakita niya half na lang natitira,” sabi ni Subaldo.
“Akala ko kasi, personally, naka-move on na ako, ok na. Pagkakita ko doon sa dini-dismantle na transmiter, ang sakit sakit pa rin."
'Bumalik ako sa Day 1 na sinabi sa amin na hanggang July 1 na lang kayo sa ABS-CBN Bacolod. Balik na naman ako sa moment na yun,” sabi niya.
Sa ngayon, nagkaniya-kaniya na muna silang mga nawalan ng trabaho sa istasyon.
Kasama ang iba pang Kapamilya na sina Martian Muyco, Marty Go at Barbara Mijares, nagtayo sila ng local digital media na “DigiCast Negros” para maghatid pa rin ng balita sa kanilang lugar.
“Kahit ganito kami kaliit na organisasyon, yung ethical standard pa rin ng ABS-CBN yung dala-dala namin sa paghatid ng impormasyon,” sabi ni Subaldo.
May ibang mga kasamahan din silang pinalad na makapasok sa ibang media company, pero nakalulungkot pa rin aniya na marami pa rin ang walang trabaho sa ngayon dahil sa pandemya.
Ang news.abs-cbn.com ay ang opisyal na news website ng ABS-CBN Corp.
No comments:
Post a Comment