Thursday, July 22, 2021

'Walang whistle': Morissette aawit ng 'Lupang Hinirang' sa huling SONA ni Duterte

Isang simple pero makahulugang produksiyon ang hinahanda ng mga organizer para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes. 


Ayon kay Kat de Castro, na co-chairperson of the SONA working committee kasama si Martin Andanar, magiging payak lang ang produksiyon tampok ang stage design ng katutubong disenyo ng Mindanao. 


Ipapalabas din ang dokumentaryong "Ang Pangulo" bago magtalumpati ang Presidente. 


Tulad noong SONA 2019, tutugtog muli ang Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) ng mga paboritong kanta ni Duterte. 


Dala ng health protocols, prerecorded ang lahat ng musika ng PPO, ayon kay Demic Pabalan, executive director ng RTVM.

 

Itatampok nila ang "What A Wonderful World," "Yesterday When I Was Young," "Dust In The Wind" at "McArthur’s Park."


Bukod pa ito sa "Pagbabago" ni Freddie Aguilar at "Ikaw" ni George Canseco na kakantahin ng PPO singer na si Leigh Jocson. 


Si Morissette Amon ang napiling kumanta ng national anthem live. 


Tradisyunal ang rendisyon nito, ayon sa mga organizer, at walang "whistle" o birit na estilo ng singer. 


Ang beteranong RTVM director na si Danny Abad ang magdidirek ngayon ng SONA.


—Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/entertainment/07/22/21/walang-whistle-morissette-aawit-ng-lupang-hinirang-sa-sona

No comments:

Post a Comment

Kada Umaga | December 23, 2024