Matapos ang mahabang panahon ng hindi pagkikita, muling nakasama ng komedyanteng si Jobert Austria, o mas kilala bilang Kuya Jobert, ang kanyang ina.
Sa pinakabagong vlog na nilabas niya nitong Abril 9, Araw ng mga Ina, ibinahagi ni Austria ang video ng muling pagkikita nila ng kanyang ina na si Armanda Villanueva.
Ayon kay Austria, malaki ang pasasalamat niya sa Diyos sa pagkakataon na muling makita at makasama ang magulang na nagawa siyang ipaampon dahil na rin sa hirap ng buhay.
Sa pamamagitan ng isang mensahe sa Facebook mula sa nagpakilalang kapatid niya, naging posible ang muling pagkikita ni Austria at ng kanyang ina.
At sa kanilang muling pagtatagpo, agad na nagyakap at bumuhos ang luha ng mag-inang matagal na nagkahiwalay.
Sa kabila ng masakit na nakaraan, malaki ang pasasalamat ni Austria sa kanyang ina.
"Nagpapasalamat ako sa iyo. Alam mo kasi kung hindi nangyari ito, siguro hindi ako naging artista," ani Austria.
Pag-amin ni Armanda: "Miss na miss. Siyempre anak ka, mami-miss ka."
Ayon kay Austria, ang importante ay nagkita na ulit sila ng kanyang ina at nagkapatawaran.
"Ang importante, nagkita tayo. Hindi aksidente ito, nagkita tayo... Nagkapatawaran tayo. Pinapatawad na kita kahit na hindi kita niyakap noong mga panahong mag-isa lang ako na nakatira sa jeep," ani Austria.
"Ang hirap-hirap kaya noong bata pa ako. Minsan umiiyak ako, hindi ko alam. Iba 'yung pakiramdam ng totoong nanay, di ba?" dagdag niya.
Sa huli, ibinahagi ni Austria ang hiling para sa kanyang ina.
"Sana humaba pa ang buhay mo. Sana makilala mo ang Diyos. At sana maging malakas ka palagi. Sana malaman mo na pinatawad na kita doon sa mga dating nangyari sa atin noong ako ay binigay mo. Ngayon, okay na. Ito na ako. Napagdaanan na natin lahat ng kailangan nating pagdaanan. Mag-aasawa na ako. Nagpapasalamat ako dahil pagpunta ko sa Canada ay nagkita tayo. Bayaan mo, kapag nandoon na ako, palagi kitang kakamustahin at magkakausap tayo," aniya.
Ang mahabang buhay at patuloy na pagkakaroon ng hanapbuhay ang hiling naman ng ina ng komedyante para sa bunsong anak.
https://news.abs-cbn.com/entertainment/05/11/21/jobert-austria-napatawad-na-ang-totoong-ina
No comments:
Post a Comment