Muling bibida sa isang pelikula ang aktor na si JC Santos kung saan iikot ang kuwento sa buhay ng isang overseas Filipino worker (OFW) na kukuhanan pa mismo sa Qatar ngayong taon.
Ayon sa ulat ng PUSH, gagampanan niya ang karakter sa pelikulang “The Eventologist” ng isang event organizer na nagtatrabaho sa nasabing bansa kung saan dinadala nito ang mga artista mula Pilipinas para magtanghal.
“Nag-re-revolve yung kuwento sa buong pangyayari backstage while lahat ng nangyayaring events na ‘to sa labas. Kumbaga it’s the point of view of one person kung ano nangyayari behind the scenes,” paliwanag ni Santos.
Malapit sa puso ng aktor ang OFW story dahil minsan na rin itong nagtrabaho sa abroad noon bago pumasok sa pag-aartista sa Pilipinas.
Nasa 19 anyos pa lamang umano siya nang maging performer sa theme parks sa Hong Kong at Singapore.
Kuwento ni Santos, sinadya umano niyang maging OFW upang maunawaan kung bakit naghiwalay ang mga magulang niya na naninilbihan din sa ibang bansa.
Nakapasok ito sa Universal Studios sa Singapore at nagsimula nang matuwa sa kinikitang pera sa pagtatrabaho.
“Nung time na yun I was enjoying the whole thing. I was making money na tapos meron kang ganito kalaking money hindi mo alam gagawin mo,” saad nito.
Ngunit sa kabila noon, may isang pangarap pa ring nais maabot si Santos, at ito ay ang makapag-aral sa New York.
“Ang pinaka-main dream ko nun was to study in New York. Kumbaga gagamitin ko itong iipunin ko habang OFW ako ngayon para makapag-aral ako sa New York,” pahayag ni Santos.
Nagamit naman ni Santos sa pag-aaral ang naipong pera at nagawa pang makapagpatayo ng bahay.
Hindi naging madali ang buhay niya abroad matapos amining nakaramdam din siya ng takot lalo pa’t sa Pilipinas ang comfort zone niya.
Aniya, hindi kagaya sa Pilipinas na may matatakbuhan ka kaagad na kaibigan, sa ibang bansa hanggang pag-uwi mo ay trabaho pa rin ang ginagawa mo.
Nauna nang pinalabas ang pelikula ni Santos kasama ang Kapamilya actress na si Janine Gutierrez na “Dito At Doon.”
No comments:
Post a Comment